Puhon



Sa kabila ng ngiti, 

Sa mga hagalpak na aking naririnig, 
Sa mga biro na iyong binabato at 
Sa mga saya na iyong pinapakita. 


Sa likod ng mga iyon, 
Sa apat na sulok ng silid, 
May istoryang walang nakakaalam, 


Mga luhang sikretong lumalabas 
Na tanging unan lang ang saksi, 
Mga mensaheng gustong iparating 
Ngunit walang nakakapansin. 


Sabi nila, ang salitang "ayos langay isa sa mga maskarang ating sinusuot. 
Salitang ang daling sabihin 
Subalit may sakit na kinukubli. 


Napansin kita sa karamihan, 
Tumigil ako at pinakinggan, 
Sa mga hinaing na pinagpaliban, 
Sa mga sumbong na ipinagwalang bahala.


"Estranghero ako" yan ang iyong sambit.
"Bakit walang takot?" Nagtatakang tanong sa paglapit. 
Ika'y nahihiwagaan sa mga tulong na hindi mo inakala. 



Hindi kita kilala, 
Hindi ko rin alam ang buong storya 
Sa mga sugat ng iyong nakaraan, 
Gayunpaman, 
kusang titigil para makinig 
Sa mga salitang hindi mo nasasambit.


Sino ka nga ba sa likod ng maskara? 
Kapag walang matang nakatingin sayo, 
Ano nga ba ang tunay na nadarama? 


Maaaring mababaw lang ang pagkakakilanlan ko sayo, 
Pero gusto ko lang malaman mo: 


Hanga ako sayo... 


Hanga ako 
Kung paano mo piniling bumangon 
Sa mga mabibigat na araw na iyong hinaharap. 


Matatag ka... 

Hindi dahil sa mga laban na iyong pinagtagumpayan, 
kundi sa mga laban na hindi mo sinukuan 
At sa mga talo na pilit mong sinubukan.


Matapang ka... 
Dahil pinili mong sumulong 
Sa kabila ng takot na iyong naramdaman. 


Hanga ako sayo, 
Sa puso mo Estranghero, 
Dahil alam kong Kinaya niya at kakayanin pa.


Subalit, 

katulad ng mga magagandang araw na may kalakip na sakit at problema, 
Gaano ka man kalakas,
May mga panahon na ika'y matutumba.  


Kapag nangyari 'yon, 
gusto ko lang malaman mo 
hindi masamang magpahinga 
Sa mga panahon na pagod ka na, 
hindi ibig sabihin nito ay sumusuko ka 


Kung pa'no malayang lumubog ang araw at sumikat ulit,
Malaya kang magpahinga, 
Dahil ito ang paraan para kumuha ng lakas 
Upang muling bumangon. 


Hangga't nabubuhay tayo sa mundong ibabaw, Hindi natin maiwasan na tayo'y masaktan.
Sa kabila nito, 
walang sugat na hindi naghihilom. 


kung ang masamang araw ay sinusundan ng magandang araw. 
Gaano man katagal ang taglamig 
darating ang araw na ito'y lilipas din 
ganun din ang mga masasakit na alaala na sa tingin mo'y hindi magwawakas. 


"Bitawang pinakamahirap na gawin. 


Lahat tayo may mga bagay na hindi natin kayang pakawalan. 
Ngunit parte ito ng proseso na hindi natin kayang takasan. 
Para makalaya sa dilim ng nakaraan, 
Kailangan mong lumakad at harapin ito.


At kung dumating ang araw na 'yon 
Na handa ka na, 
simulan mo sa pagsabing "paalam
Sa mga masasakit na alaala 
Na matagal mo ng hinawakan. 


Tandaan, "Ang pagbitaw ay nangangahulugan ng kalayaan". 



Patapos na ang taon na 'to 
Ganunpaman, 
May bagong kabanatang magbubukas, 
Mga magandang istorya na malapit ng marinig At Mga ngiti na muling masisilayan din. 


Unti unting maghihilom ang sakit ng kahapon
Puhon...

Comments

Popular posts from this blog

Please Stand by

To my Lifegroup

To the one who remain